Tumangging magbigay ng rekomendasyon ang OCTA Research group kaugnay sa posibilidad na mag-general community quarantine (GCQ) na ang Metro Manila matapos ang ika-15 ng Mayo.
Gayunman, sinabi sa DWIZ ni Dr. Michael Tee, miyembro ng OCTA Research, na bumababa na ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Tanging ang Inter-Agency Task Force (IATF) lamang aniya ang makapagpapasya kung kakayanin nang mag-GCQ sa NCR Plus batay na rin sa kaso ng nasabing virus.
Bumababa na ang ating kaso… mababa na kaysa sa surge capacity. Meron na tayong 2,347 na average, mas mababa ‘yan ng 58%,” ani Tee.
Kasabay nito, pinayuhan ni Tee ang publiko na ituloy lamang ang mahigpit na pagsunod sa minimum health and safety protocols at magpa bakuna na rin para makaiwas sa COVID-19.
Ang rekomendasyon ko sa ating mga kababayan ay magpatuloy sa ating ginagawang minimum health protocols, lalo na ang quarantine, at kung meron mang bakuna na io-offer sa kanila, magpabakuna na sila,” ani Tee. —sa panayam ng Balitang Todong Lakas