Umapela ang dalawang pulis Caloocan na sangkot sa pagpatay kina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo “kulot” de Guzman sa Department of Justice na magsagawa ng ocular inspection sa lugar na pinangyarihan umano ng krimen.
Ito ang naging hirit nila PO1 Jeffrey Perez at PO1 Ricky Arquilita sa DOJ panel of prosecutors sa pagpapatuloy ng pagdinig hinggil sa reklamong murder at paglabag sa anti-torture act na isinampa laban sa kanila.
Paliwanag ng dalawang pulis Caloocan, tiyak anilang mapatutunayan sa gagawing inspeksyon na inosente sila sa mga ipinaparatang laban sa kanila na sinadya nilang patayin ng walang kalaban-laban ang dalawang binatilyo.
Napaka-imposible anila ang iginigiit ng testigong si Joe Daniel na naruon din umano nuong mismong araw kung kailan sinasabing pinatay sina Carl at Reynaldo kaya’t inatasan sila ng lupon na gawing pormal ang kanilang kahilingan.