(11 AM Update)
Posibleng lumakas pa at maging isang tropical storm ang bagyong Odette bago mag-landfall sa probinsya ng Cagayan mamayang gabi.
Sa monitoring ng PAGASA ay bahagyang bumilis ang bagyo habang kumikilos pa-kanlurang bahagi ng Philippine Sea.
Huling namataan ang bagyo sa layong 540 kilometro sa silangang bahagi ng Tuguegarao City, Cagayan.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro kada oras at pagbugsong nasa 65 kilometro kada oras.
May bilis itong tinatayang nasa 30 kilometro kada oras.
Nakataas ang tropical cyclone warning signal number 1 sa Batanes, Cagayan, Babuyan group of Islands, Isabela, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Ilocos Norte at Ilocos Sur.
Pinag-iingat ang mga manlalayag partikular sa northern at eastern seaboards ng Luzon.
Batay sa report ni DWIZ Cagayan correspondent Edmund Pancha kaninang umaga, walang tigil ang pag-ulan sa kanilang lalawigan simula pa kahapon.
Dahil dito, nagpalabas na aniya ng abiso ang Office of the Civil Defense Region 2 sa lahat ng mga residente at local risk reduction and management council na manatiling nakaalerto kasabay ng pag-ulan.
Ayon kay Pancha, pinagbawalan na rin ng Philippine Coast Guard ang lahat ng maliliit at malaking bangka na maglayag sa mga karagatan.
Maliban dito, kanselado na rin ang ilang flights sa Tuguegarao City Domestic Airport dahil sa sama ng panahon.
Inaasahang sa Sabado pa ng umaga makakalabas ng Philippine Area of Responsibility o PAR ang bagyo.
—-