Nilinaw ng Department of Labor and Employment na sa Hunyo pa magiging fully operational ang bago at kauna-unahang Overseas Filipino Workers Hospital sa San Fernando City, Pampanga.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, tanging mga ordinaryong gamutan at outpatient services muna ang maibibigay ng ospital habang hindi pa naililipat dito ang ibang medical equipment.
Kabilang anya sa mga ilalagay ang nasa P200-M na halaga ng aparato para sa dialysis, MRI, CT scan at iba pang state of the art medical equipment.
Ang 1.5 hectares na lupain na pinagtayuan ng pagamutan na nagkakahalaga ng P400-M ay donasyon ng provincial government ng Pampanga.
Aabot naman sa P600-M ang gastos sa konstruksyon na donasyon ng Bloomberry Cultural Foundation para sa pagsasakatuparan ng ospital habang ang mga medical equipment ay pinondohan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation.
Idinagdag pa ni Bello na pangangasiwaan ng UP-Philippine General Hospital ang operasyon ng OFW Hospital at naglaan din ng P250-M budget para sa operasyon nito mula sa General Appropriations Act 2022.