Nawalan na ng trabaho ang 56 na taong gulang na ginang na nahulihan ng bala sa kanyang bagahe noong nakaraang buwan sa Ninoy Aquino International Airport.
Ayon sa ulat, nalaman ni Ginang Gloria Ortinez na wala na siyang trabaho nang makarating ito sa Hongkong International Airport kagabi.
Sinabi kay Ortinez ng mga tauhan ng immigration doon na tinanggal na siya sa trabaho dahil nabigo itong makarating sa Hongkong sa petsa na inilgay niya sa kanyang mga papeles.
Sinabi naman ng mga tauhan ng Department of Labor and Employment na umaasa silang makausap ang employer ni Ortinez para mahikayat itong tanggapin muli ang ginang bilang kanilang domestic helper.
Kung matatandaan, nadakip si Ginang Ortinez noong Oktubre 25 sa NAIA dahil sa natagpuang bala sa kanyang bagahe, bagay na itinanggi ng ginang sabay giit na siya ay inosente.
Kalaunan ay pinakawalan din si Ortinez at ibinasura ng Department of Justice ang kasong isinampa dlaban sa kanya dahil sa kakulngan ng sapat na ebidensya.
By: Jonathan Andal