Nakatakdang magtungo sa United Arab Emirates (UAE) ang pamilya ni Jennifer Dalquez, ang 28 taong gulang na OFW na nahaharap sa parusang kamatayan matapos hatulan noong Mayo sa pagpatay umano sa amo nito noong 2014.
Ayon kay Rahima Dalquez, ina ni Jennifer, pupunta sila ng UAE anumang araw ngayong linggo para bisitahin ang anak na nakapiit ngayon sa Al Ain Jail.
Nais din nilang tumulong sa nagpapatuloy na apela sa kaso ng kaniyang anak.
Sasamahan si Rahima ng asawang si Abdulhamid at isa pang miyembro ng kanilang pamilya at ang pagtungo raw nila sa UAE ay pinangangasiwaan ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Kaugnay nito, nagpapasalamat din si Rahima sa Diyos at sa gobyerno sa pagkakataong ibinigay sa kanila para makita ang anak sa UAE.
By Allan Francisco