Balik-bansa na ang Overseas Filipino Worker (OFW) na ikinulong sa isang stockroom at pinakain ng panis ng kanyang amo sa Jeddah, Saudi Arabia.
Sinundo si Edrelyn Cauntoy, 27-anyos, ng kanyang ama at kapatid nang dumating ito sa Bacolod City, Negros Occidental.
Magugunitang nagpasaklolo si Cauntoy sa mga netizen matapos siyang ikulong sa stock room at pinakain lamang ng noodles at panis na kanin sa loob ng isang linggo matapos madiskubre ng kanyang amo na paso na ang kanyang Saudi Arabian Identity Card.
Nag-viral sa social media partikular sa Facebook ang video ng pagsaklolo ng OFW na agad namang nakatawag pansin sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Agad namang nakipag-ugnayan ang mga opisyal ng Philippine Embassy sa Saudi sa kanyang pinasukang agency sa Pilipinas.
—-