Nakauwi na sa bansa si Joseph Urbiztondo, ang Pinoy na halos 20 taong nakulong sa Kuwait dahil sa kasong pagpatay.
Dalawampu’t limang (25) taon ang sentensya kay Urbiztondo subalit nabigyan ito ng pardon makaraang makapagbayad ng blood money ang pamahalaan at kanyang pamilya sa pamilya ng kanyang napatay.
Una rito ay pinanindigan ni Urbiztondo na inosente siya sa paratang na pagpatay at napilitan lamang siyang aminin ang krimen dahil sa dinanas niyang torture.
Ayon kay Dr. Chi Umandap ng Alliance of Filipino Organization in Kuwait, may mga nakalatag nang plano si Urbiztondo sa kanyang pagbabalik sa bansa.
“Sinabi niya na gusto niyang balikan muli yung una niyang hanapbuhay na magturo ng tennis, yun ang trabaho niya nung siya ay nasa Kuwait, marami namang nag-offer na rin sa kanya ng hanapbuhay para sa reintegration niya.” Ani Umandap.
Filipinos in Kuwait
Aligaga pa rin ang mga Pilipinong manggagawa sa Kuwait.
Ayon kay Dr. Chi Umandap, bunga ito ng crackdown na ginagawa ng Kuwaiti government sa mga dayuhang lumalabag sa kanilang residence law.
Kamakailan lamang aniya ay 1,000 katao na naman ang inaresto sa crackdown na posibleng kinabibilangan ng ilang Pilipino.
“Malimit sa tuwing nagkakaroon ng ganung hulihan, yung raid ay lahat yun ay may kasamang Pilipino, ngayon may darating ngayon nakasama sa na-raid, 6 na nakakulong, yun yung mga dinalaw ko sa kulungan nung nasa Kuwait ako eh.” Pahayag ni Umandap.
By Len Aguirre | Ratsada Balita