Nasa maayos nang kalagayan ang OFW na pilit pinainom ng bleach ng kanyang amo sa Jizan, Saudi Arabia.
Ayon kay Assistant Secretary Elmer Cato, spokesman ng Department of Foreign Affairs, nailipat na sa private ward ng ospital sa Jizan si Agnes Mancilla at inihahanda na para ilipat sa isang ospital sa Jeddah.
Agad aniyang i-uuwi sa bansa si Mancilla kapag pinayagan na ng mga doktor na bumiyahe.
Sinabi ni Cato na nakakuha na sila ng katiyakan sa mga awtoridad sa Saudi Arabia na mabibigyan ng hustisya ang sinapit ni Mancilla.
Andun si Consul General, matapos bisitahin si Agnes, ay nagtungo siya sa kinauukalan para kunin ang kanilang commitment. Gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya para mabigyang hustisya itong ating kababayan. Pahayag ni Cato
Samantala, kinumpirma ni Cato na marami pa ring mga OFW sa Kuwait ang nakakaranas ng pang-aabuso.
Sa kabila ito ng pagpataw ng sentensya sa mag asawa na hinihinalang pumatay kay Joanna Demafelis at deployment ban na ipinatupad ng pamahalaan matapos ang insidente.
Ayon kay Cato, patuloy pa rin silang nakakatanggap ng request mula sa mga OFW na iligtas sila at iuwi sa Pilipinas.
May mga report pa rin tayong natatanggap na request for rescue. ‘Yung estimate natin as of last week ay 200, pero nabawasan na ito sa patuloy na pag-rescue ng ating augmentation team. Paliwanag ni Cato