Naihatid na sa huling hantungan ang labi ni Joanna Demafelis, ang Overseas Filipina Worker na pinatay at isinilid sa isang freezer sa Kuwait, sa Virgin Island Cemetery pasado alas 4:00 ng hapon kanina.
Bahagya namang naantala ang pagsisimula ng huling misa para kay Demafelis dahil umabot sa tatlong kilometro ang haba ng prusisyon ng mga tao na nakipaglibing dito.
Pinangunahan ni Archbishop Angel Lagdameo ng Jaro Archdiocese ang nasabing misa sa San Juan Parish Church sa Sara, Iloilo.
Isinagawa rin ang isang necrological service para kay Demafelis kung saan pinasamalatan ng kanyang pamilya ang lahat ng tumulong para makamit nito ang hustisya.
Samantala, sumama rin sa nakipaglibing sina OWWA Administrator Hans Leo Cacdac at Labor Secretary Silvestre Bello III.