Inihatid na sa kanyang huling hantungan sa bayan ng Sara, Iloilo kahapon ang OFW na inilagay sa isang freezer sa Kuwait na si Joanna Demafelis.
Dakong alas 4:00 ng hapon nang dalhin ang labi ni Joanna sa Virgin Island Cemetery habang tinatayang 2,000 katao ang nakipaglibing at nagpakita ng suporta sa pamilya Demafelis.
Kabilang sa mga nakipaglibing sina Labor Secretary Silvestre Bello at Overseas Workers Welfare Administration Administrator Hans Cacdac.
Karamihan naman sa nakipaglibing ay nagsuot ng puting t-shirt na may nakasulat na “Justice for Joanna.”
Bago ihatid sa sementeryo, isang requiem mass ang ini-alay para sa pinatay na OFW sa St. John The Baptist Parish Church sa bayan ng Sara dakong 1:00 ng hapon sa pangunguna ni Iloilo Archbishop Emeritus Angel Lagdameo.