Hindi na tinanggap ng kanyang amo sa Hong Kong si Gloria Ortinez o Nanay Gloria, ang OFW na hinihinalang biktima ng tanim-laglag bala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Toots Ople ng Blas Ople Policy Center, may isang taon pa sana sa kanyang kontrata si Nanay Gloria subalit hindi na ito tinanggap ng amo makaraang mabigong makabalik sa itinakdang araw.
Wala na aniya silang nagawa kaya’t kinuha na lamang nila ang mga gamit ni Nanay Gloria sa bahay ng amo.
Dalawamput anim (26) na taon na ring nagtatrabaho sa Hong Kong si Nanay Gloria .
“Pupunta kami ng consulate kasi dito naman sa Hong Kong may mga benefits na puwedeng habulin, pero sabi nga ni Nanay Gloria ang mas gusto niya ay sumama sa aking pag-uwi dahil ang bigat ng kanyang kalooban, sabi niya nga ay hindi niya maunawaan pano nanagyari sa buhay niya yung ganun, happy sila ng amo niya, happy sila nung alaga niya, nagkita sila nung kanyang alaga at lumapit sa kanya.” Ani Ople.
Dahil dito, sinabi ni Ople na posibleng maghain sila ng kaso para humingi ng danyos sa pamahalaan dahil sa nangyari kay Nanay Gloria.
Dumaan sa interogasyon ng airport police si Nanay Gloria nang walang kasamang abogado at na-dismiss rin naman ng DOJ ang kanyang kaso dahil magkaiba di umano ang naprisintang bala sa piskal sa bala na di umano’y nakuha sa bag ni Nanay Gloria.
“Mahirap talagang kalimutan na nagagalit yung employer, infact para makuha yung gamit tumawag pa kami ng Hong Kong police, doon sa danyos mukhang doon patungo.” Pahayag ni Ople.
By Len Aguirre | Ratsada Balita