Naaresto na ang suspek sa pagpatay sa isang Overseas Filipino Worker (OFW) na natagpuang kalansay na sa isang septic tank sa South Korea noong nakaraang taon.
Kinilala itong si Yugoslav Magtoto, isa ring dating OFW na nadakip ng mga tauhan ng International Operations Division ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Candaba, Pampanga.
Ito ay sa bisa na rin ng ipinalabas na arrest warrant ng Manila Regional Trial Court alinsunod sa kahilingan ng South Korean authorities.
Batay sa imbestigasyon ng South Korean Police, si Magtoto ang sinasabing huling nakasama ng biktimang si Angelo Camen Claveria bago ito mapaulat na nawawala noong 2015 at nadiskubreng kalansay na sa isang septic tank noong 2018.
Nagawa pa umanong gamitin ng suspek ang debit card ng biktima at makapag-withdraw ng nagkakahalaga sa 47, 600 pesos sa Korean won kahit napaulat nang nawawala ito.
Sa ngayon, hinihintay na ng NBI ang extradition request mula sa South Korea para makabalik si Magtoto sa nasabing bansa at harapin ang isinampang murder case laban sa kanya.
—-