Itinataboy man ng overseas Filipino worker (OFW) na si Vincent Labutap ang asong gala na si Potpot, pilit pa rin siyang sinusundan nito.
Labag man sa kanyang kalooban, kinailangan ni Vincent na iwan si Potpot dahil bawal sa tinutuluyan niyang kumpanya sa Gimje, South Korea ang pag-aalaga ng aso.
Ngunit makalipas ang tatlong buwan, nakita muli ni Vincent ang aso at sa pagkakataong ito, mas naging matibay ang kanilang pagkakaibigan.
Napag-alaman ni Vincent na inaalagaan na si Potpot sa isang emergency center malapit sa kanyang tinitirhan.
Mula noon, araw-araw na niyang binibisita ang aso upang bigyan ito ng pagkain at treats.
Mas dumami pa nga ang mga kaibigan o “tropa” ni Vincent dahil nakilala niya rin dito ang apat pang aso na sina Bolt, Peanut, Snow, at Panda!
Para kay Vincent na nagtatrabaho bilang factory worker, malaking bagay na nakilala niya ang limang aso dahil napagagaan nila ang bawat araw na malayo siya sa kanyang pamilya na nasa Pilipinas.
Gustuhin man niyang ampunin silang lahat, hindi siya pinapayagan ng pinapasukang kumpanya. Gayunman, gumagawa siya ng paraan upang matiyak na nakakakain at naaalagaan nang maayos ang mga aso.
Para kay Vincent, maswerte siya at nakatagpo siya ng kaibigan na katulad ni Potpot. Panawagan niya, iparamdam sa mga aso, lalo na sa strays, na karapat-dapat silang mahalin.