NATAGPUANG patay sa loob ng quarantine hotel sa Pasay City ang isang OFW matapos umano itong magbigti.
Sa ulat ni Pasay City Chief of Police Col. Ceasar Padayos na nakarating sa Camp Crame, kinilala ang biktima na si Randy Galaroza, 40, isang OFW na residente ng Taytay Rizal.
Base sa inisyal na imbestigasyon, dadalhan sana ng pagkain ng OWWA housekeeper na si Emmanuel Trinidad ang biktima pasado alas-11 kahapon ng umaga, sa kanyang kwarto sa Citadines Bay City Manila, Sa MOA Complex Pasay.
Nang hindi magbukas ng pinto ang biktima matapos ang ilang ulit na pag-timbre, humingi ng tulong si Trinidad sa mga empleyado ng hotel para buksan ang kwarto ng biktima.
Dito natagpuan ang bangkay ng biktima na nakabigti sa loob ng shower ng kanyang kwarto.
Sa ngayon ay iniimbestigahan ng Pasay City Police ang insidente na pinaniniwalaang isang “suicide”.