Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Department of Labor and Employment o DOLE sa pamahalaan ng Russia upang mabigyan ng karampatang proteksyon ang mga pilipinong household service worker doon.
Sinabi ng DOLE na binubuo na ng dalawang bansa ang mga patakaran na maaaring ipatupad bilang tugon sa panukala ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo na magkaroon ng labor deal ang Pilipinas at Moscow.
Una nang hiniling ni Arroyo sa St. Petersburg International Economic Forum kamakailan na nais niyang lumagda ang dalawang bansa ng mga kasunduan para masiguro ang kaligtasan ng halos 10,000 OFW na nasa Russia.
Ayon sa DOLE, naniniwala sila na sa pamamagitan ng “migration regime” mabibigyan ng katugunan ang panukala ng outgoing house speaker.
Sakaling maisakatuparan ito, kailangang paghambingin ang mga nabuong batas at panuntunan ng dalawang bansa upang maging tama ang documentation ng mga OFW gayundin ang pagpasok ng mga foreign nationals sa Russia.