Nakaratay sa ospital ngayon ang isang OFW mula Kuwait matapos mahulog mula sa ikatlong palapag ng bahay nang subukan nitong tumakas mula sa kaniyang amo.
Ayon sa biktimang si alyas Mary, tapos na ang kaniyang trabaho at nagpapahinga umano ito sa kaniyang kuwarto at sumali sa Tiktok live ng kaniyang kaibigan.
Lihim palang nakikinig ang kanilang amo atsaka nito binuksan ang pinto at kinuha ang telepono nilang dalawa.
Tinanong naman siya ng kaniyang amo kung saan siya pupunta at nang sagutin naman ni mary na wala, ay saka siya nito pinagsasampal, sabunot, at tinadyakan sa likod.
Matapos ang pagmamaltrato ay ni-lock na umano siya sa kwarto ngunit sa takot na baka mapatay ng kaniyang amo, naisipan ng biktima na tumalon mula sa bintana.
Nagtamo naman si Mary ng fractured spine, bali sa kaliwang paa, sugat sa pisngi, marka ng kagat sa dibdib, at paralisado mula bewang pababa.
Kaugnay nito, nagpadala rin ang embahada ng Pilipinas sa Kuwait ng abogado upang matulungan siya sa pagsasampa ng kaso laban sa kaniyang amo.
Samantala, sa tala ng migrant workers office sa Kuwait, nasa lima hanggang 20 OFWs ang humihingi sa kanila ng tulong araw-araw. - sa panulat ni Hannah Oledan