Labis-labis ngayon ang hinagpis ng pamilya ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) na natagpuang patay sa kaniyang tinutuluyan sa Riyadh, Saudi Arabia.
Ayon sa misis ng biktimang si Reandro Molino na si Susan, ika-18 ng Mayo nang magkausap silang mag-asawa na masama umano ang pakiramdam ng mister matapos maturukan ng bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Nagpasya umanong magpaturok si Reandro dahil balak na nitong magbalik bansa sa Hulyo mula sa Riyadh upang makasama ang kaniyang pamilya.
Patuloy na nagkaka-ugnayan sina Susan at Reandro sa pamamagitan ng chat sa cellphone hanggang sa may natanggap na tawag si Susan mula sa manager ni Reandro.
Doon, ibinalita kay Susan na natagpuan nang walang buhay ang kaniyang mister at mayroong saksak sa kaniyang leeg.
Giit ng pamilya ni Reandro, kumpiyansa silang planado ang pagpatay sa kanilang padre de pamilya subalit labis silang nagtataka dahil wala naman silang nabatid na naka-away nito.
Kaya naman umaapela ang pamilya ni Reandro kay Pangulong Rodrigo Duterte upang bigyang katarungan ang sinapit ng kanilang haligi ng tahanan.