Binuksan na para sa overseas Filipino workers (OFWs) ang libreng 24/7 VIP lounge sa Terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bigyan ng malawak na espasyo ang OFWs sa mga paliparan.
Naging posible ang pagpapatayo ng OFW lounge dahil sa pinagsama-samang pagsisikap ng House of Representatives, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Migrant Workers (DMW), at Manila International Airport Authority (MIAA).
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, dedicated space para sa mga papaalis na OFWs ang VIP lounge.
Tumutukoy ang VIP lounge sa designated area na itinatayo ng airline companies para sa mga pasaherong nasa business-class o first-class. Kadalasan itong may exclusive amenities para sa mga pasaherong mas malaki ang binayad.
Pero sa OFW VIP lounge, libre ang paggamit, anumang uri ng ticket ang hawak ng isang OFW.
Katulad ng ibang VIP lounge, mayroong comfortable seating, Wi-Fi access, charging docks and power outlets, at information desk ang OFW lounge. Mayroon din itong resources, tips, and information tungkol sa pagtratrabaho sa ibang bansa at online community para makapag-connect ang OFWs sa isa’t isa.
May iaalok namang pagkain at inumin para sa mga OFW na naghihintay ng kanilang flight, katulad ng sandwich, biskwit, lugaw, itlog, tubig, kape, at juice.
Matatagpuan sa 4th floor ng NAIA Terminal 1 ang bagong bukas na OFW lounge. Ayon kay Speaker Romualdez, isa lang ito sa OFW lounge na ipapatayo sa international airports sa Metro Manila, Clark, Cebu, at Davao. Nakatakda ring magbukas ng OFW lounge sa NAIA Terminal 3.
Hindi maikakaila ang malaking kontribusyon ng OFWs sa ekonomiya ng bansa, kaya nga sila itinuring bilang modern-day heroes. Nais ng administrasyong Marcos na ipakita ang kanilang deep gratitude at appreciation sa kanila sa pamamagitan ng OFW lounge, kung saan magiging kumportable sila sa kanilang pag-alis. Sabi nga ni Speaker Romualdez, ang OFW lounge ay legacy ni Pangulong Marcos.