Dumating na sa bansa ang mahigit 100 Pilipino na inilikas mula Macau special administrative region (SAR) dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Nabatid na lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa Pasay City ang chartered flight na sinakyan ng mga Pinoy, kasama si Foreign Affairs Undersecretary Sarah Lou Arriola.
Sinasabing ang mga repatriated Filipinos ay kinabibilangan ng 130 undocumented Filipino workers, 5 sanggol, at 28 miyembro o empleyado ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Matatandaang nakipag-ugnayan ang Philippine Consulate General sa Macau Government para sa special chartered flight ng mga ito kasunod na rin ng panawagan ng Pilipino community sa lugar.
Isasalang muna sa screening at quarantine ang mga inilikas na Pinoy at pagkakalooban ang bawat isa sa kanila ng tig-P7,000 financial assistance.