Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte sa pamahalaan ng Kuwait at iba pang mga bansa sa gitnang silangan na mapipilitan siyang pauwiin ang lahat ng mga Overseas Filipino Workers (OFW’s) sa kanilang bansa.
Ito ay kasunod ng napaulat na mga kaso ng pangmamaltrato at panggagahasa sa mga Pilipinang nagtatrabaho sa kanilang bansa.
Sinabi ng Pangulo sa kanyang departure speech patungong India para dumalo sa Asian – India Commemorative Summit na bagaman maraming mahihirap na Filipino ay hindi niya kayang ikumpromiso ang dignidad at kaligtasan ng kanyang bawat mamamayan.
Giit pa ng Pangulo, hindi lamang ang Pilipinas ang nakikinabang sa trabahong ibinibigay ng Kuwait dahil nakikinabang din sila sa isang kalidad na serbisyong kayang ibigay ng mga Pinoy.
Matatandaan na nagpahayag ang Pangulo ng ‘ban’ sa pagpapadala ng mga mangagawang Pinoy lalo na ng mga kababaihang domestic helpers sa bansang Kuwait noong pagbubukas ng Overseas Filipino Bank sa Maynila.