Umiskor ng panalo ang Office of the Government Corporate Counsel o OGCC sa isang multibillion arbitration suit na inihain ng TMA Australia PTY. Limited at subsidiary nito na TMA Group Philippines, Inc. laban sa Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO.
Ayon kay Government Corporate Counsel Rogelio Quevedo, ibinasura ng arbitration body ang alternative claims ng TMA na nagkakahalaga ng P19 bilyon at P13 bilyon laban sa PCSO dahil sa kawalan ng hurisdiksiyon.
Nag-ugat ang legal dispute sa Contractual Joint Venture Agreement o CJVA ng TMA at PCSO noong 2009 para sa konstruksiyon ng kauna-unahang thermal coating plant sa bansa.
Matatandaang inimbestigahan ng Senate Blue Ribbon committee ang agreement at natuklasan na masyadong lugi ang gobyerno sa kasunduan kaya’t binawi ito ng ahensya.
Pumabor naman ang mababang korte sa TMA at pinakumpiska ang mahigit 700 milyong pisong pondo ng PCSO.
Dito na umakyat ang state firm sa Korte Suprema kung saan idineklara ng mataas na hukuman na walang bisa ang kautusan ng lower court habang inatasan ang TMA na ibalik sa PCSO ang pondo.
Sinasabing sinuway naman ng TMA ang hatol ng kataas-taasang hukuman at sa halip ay naghain ito ng claims sa arbitral tribunal na ibinasura naman ng korte.