Mayroon pang labing limang (15) araw ang stocks ng mga kumpanya ng langis kaya’t hindi pa dapat magtaas ng presyo ng kanilang oil products ang mga ito, sa kabila nang pagpapatupad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN simula nitong January 1.
Ipinabatid ito sa DWIZ ni Energy Assistant Secretary Bodie Pulido batay sa hawak nilang record kaya’t hindi pa dapat tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo.
“Based sa datos na meron kami nakikita namin na almost all of them atleast 15 days bago maubos ang old stocks, kaya ginawa naming, pinatawag natin sila at kinausap sila na kung puwede ay huwag naman muna silang magtaas ng presyo, to be fair with naman sa ating mga oil companies almost lahat naman nag-agree na huwag magtaas ng presyo hanggang maubos ang kanilang stocks.” Ani Pulido
Kaugnay nito, hinimok pa ni Pulido ang publiko na maging vigilant at ipaalam sa DOE kung may mga kumpanya ng langis na iligal na magtataas ng presyo.
“Nagpapasalamat din tayo sa ating mga kababayan for being patient, sa ating mga kasama sa media kasi kailangan talaga nating i-disseminate ang information, sana tulungan din kami na kapag may nabalitaang oil companies na nag-akyat ng presyo ay agad ipagbigay alam sa amin.” Pahayag ni Pulido
Una rito ay ibinabala rin ang mas mataas na singil sa kuryente kasunod ng pag-iral ng TRAIN Law simula ngayong taon.
(Balitang Todong Lakas Interview)