Inireklamo ng fixing, sabwatan at cartel ang mga oil companies kasama ang Department of Energy (DOE) sa Philippine Competition Commission (PCC).
Hiniling ni Vic Dimagiba, pangulo ng Laban Konsyumer, sa PCC na imbestigahan ang mga oil companies at ang DOE sa magkakaparehong presyo ng mga produktong petrolyo ng mga oil companies.
Sinabi ni Dimagiba na malinaw na paglabag ito sa batas na dapat magkaroon ng kompetisyon sa merkado upang maiwasan ang monopolya sa presyo.
Kumbinsido si Dimagiba na mayroong napagkasunduang pricing formula ang mga oil companies kaya’t pare-pareho ang kanilang presyo pati ang petsa at oras ng pagpapatupad ng pagbaba o pagtaas ng presyo ng produkto.
Ayon kay Dimagiba, hindi isinasaalang-alang sa automated pricing formula kung ang kumpanya ay oil refiner o kaya ay nag-iimport lang ng finished products.