Kumpiyansa si senate committe on energy Chairman Sen. Sherwin Gatchalian na ito na ang tamang panahon para igiit ng Pilipinas ang pagkapanalo nito sa arbitration laban sa China hinggil sa territorial dispute sa West Philippine Sea.
Inihayag ito ni Gatchalian makaraang ikatuwa nito ang naging pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte na alisin ang moratorium sa oil and gas exploration sa nasabing karagatan.
Sa panayam ng DWIZ kay Gatchalian iginiit nito na malaki ang maitutulong ng nasabing hakbang dahil maagapan nito ang inaasahang pagkaubos ng natural gas supply ng Malampaya Gas Facility sa mga susunod na taon.
Kung sumasang-ayon ang China tinitingnan na binibigyan ng importansya yung relasyon natin dapat hayaan na tayong mag-explore doon dahil kailangan natin para umunlad at madagdagan yung reserba natin sa langis. 30% ng kuryente natin ay renewable, 20% ay galing Malampaya, 50% galing imported so, kung makahanap tayo ng mas marami pang natural gas dyan mapapalitan natin yung 50% na imported,” ani Gatchalian.
Dahil dito, umaasa rin ang senador na magbubukas ito ng pagkakataon upang makahikayat ng mas maraming mamumuhunan sa ilalim ng Philippine Conventional Energy Contracting Program na layuning paghusayin o linangin ang indigenous energy resources.
Kaugnay naman sa unti-unting pagkaubos ng suplay ng natural gas sa Malampaya, sinabi ni Gatchalian na may ikakasa siyang pagdinig hinggil dito.
Commitment ng ating Pangulo na sabi niya hindi natin bibitawan itong arbitral ruling, sabi niya ito in one day when the time comes ia-assert niya ito at dumating na nga yung puntong ‘yon. Hindi lang assertion kung ‘di may aksyon na, ito yung aksyon kasi maraming nagsasabi, may naririnig ako na ‘puro salita lang yan’ pero hindi na salita ngayon may aksyon na. Ito ang thinking ko, isa sa pinaka– I would say one of the most important milestone in the energy sector dahil nga paubos na yung Malampaya at ngayon mapapakita natin sa buong mundo na ina-assert natin yung ating rights at yung ating sovereignty over West Philippine Sea,” ani Gatchalian.