Abiso para sa mga motorista!
Posibleng magpatupad ang mga kumpanya ng langis ng oil price hike sa susunod na linggo.
Ito ay matapos ang apat na linggong sunod-sunod na rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Batay sa pagtataya ng local oil industry sources, posibleng magkaroon ng 1 peso 40 centavos hanggang 1 peso 60 centavos na dagdag-presyo sa kada litro ng diesel.
Mas maliit naman ang magiging patong sa presyo ng gasolina na maaari lang umabot sa 10 centavos hanggang 30 centavos kada litro.
Ang kerosene naman ay maaaring madagdagan ng 1 peso kada litro.
Una rito, sinabi ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad na mayroon silang nakikitang bahagyang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Ang pagbubukas ng ekonomiya ng China at pagtaas ng demand sa langis ang isa sa mga nakikitang dahilan sa pagtaas ng presyo.
Matatandaang nitong nakaraang Martes, umabot sa 3 pesos 40 centavos ang natapyas sa presyo ng diesel, 1 peso 70 centavos sa gasolina, at 4 pesos 40 centavos sa kerosene.