Kasado na ang tapyas presyo ng mga kumpanya ng langis sa mga produktong petrolyo, bukas, Oktubre 1.
Kasunod ito ng kanilang ipinatupad na big time oil price hike noong nakaraang Linggo.
Batay sa anunsyo ng mga kumpanyang Shell at Seaoil, magpapatupad sila ng P1.45 bawas presyo sa kada litro ng gasolina, .60 sa kada litro ng diesel at P1 sa kada litro ng kerosene.
Habang magtatapyas naman ang Petro gazz ng P1.55 sa kada litro ng kanilang gasolina at .50 sa kada litro ng diesel.
Epektibo ang bawas presyo ng mga nabanggit na kumpanya 6:00 a.m. bukas ng umaga.
Una nang nagpatupad ang Phoenix petroleum ng P1.55 kaltas sa kada litro ng gasolina at .50 naman diesel kahapon ng 6:00 a. m. ng umaga.
4:01 ng hapon, kahapon sinimulan ng Cleanfuel ang P1.50 tapyas sa presyo ng kada litro ng kanilang gasolina at .50 sa kada litro ng diesel.
Samantala, inaasahan naman ang P4 hanggang P5 pisong taas presyo sa kada kilo ng Liquified Petroleum Gasoline (LPG) katumbas ng P44 hanggang P55 pesos sa kada 11 kilogram na tangke sa A-primero ng Oktubre.