Aminado ang Department of Energy na wala pang katiyakan kung magpapatuloy o hindi ang malakihang tapyas-presyo sa mga produktong petrolyo sa mga susunod pang araw.
Ayon kay energy undersecretary Gerardo Erquiza, pabagu-bago ang sitwasyon sa oil market kaya’t hindi pa nila masasabi kung magpapatuloy o hindi ang price rollback.
Bukod anya sa giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine, marami pang dahilan ng pabago-bagong presyo, tulad ng kasalukuyang COVID-19 surge sa China maging ang magnitude 7.4 na lindol sa Japan.
Gayunman, nilinaw ni Erquiza na dahil sa oil deregulation sa bansa, hindi ma-huhulaan ng DOE ang paggalaw ng presyo ng krudo.
Binigyang-diin ng opisyal na tangi nilang magagawa ay i-monitor ang implementasyon ng oil price adjustment at humiling ng isang amendment sa batas na unbundling ng presyo.