Posibleng magpatupad muli ng rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo ang oil company sa susunod na linggo.
Ito’y bunsod ng unti-unting pagbulusok ng presyo ng krudo sa World Market matapos ang anunsyo ng Saudi Arabia na hindi nila babawasan ang produksyon dahilan upang mag-mura ang pinagkukunan ng imported na petrolyo ng Pilipinas.
Gayunman, wala pang detalye kung gaano kalaki o kaliit ang itatapyas ng mga kumpanya ng langis sa kada litro ng diesel, gasolina at kerosene.
Sa ngayon ay P21 hanggang P22 ang kada litro ng diesel habang nasa P33 hanggang P36 ang gasolina.
Samantala, inihayag naman ng transport group na Pasang Masda na kung aabot sa P15 ang kada litro ng diesel ay posibleng ibaba nila sa P6.00 ang minimum na pasahe sa jeep.
By Drew Nacino