Nabawasan na ang pagtagas ng langis mula sa lumubog na MT Princess Empress sa Oriental Mindoro.
Ito ang kinumpirma ni Philippine Coast Guard (PCG) Commandant, Admiral Artemio Abu sa kanyang pagharap sa panibagong pulong sa Department of Justice (DOJ) hinggil sa update ng oil spill.
Ayon kay Admiral Abu, mula sa naunang 23 butas na nakita ng Remotely Operated Vehicle (ROV), mayroon na lamang ngayong 11 leakages ang barko.
Anim naman anya ang sumailalim sa ‘bagging operations’ o sinasakluban ng supot ang butas na sumasalo sa sumisirit na langis.
Ipinaliwanag ni Abu na ang apat ay hindi na nilagyan ng bag, dahil kahit may butas ay wala namang lumalabas na langis, habang ang isa pa ay hindi na nilagyan ng bag dahil hindi magawa ang bagging operations sapagkat napakabagal ng pagtagas ng langis.
Dahil dito, idineklara ni Abu na kontrolado na ang leakage mula sa lumubog na barko pero kanyang tiniyak na magpapatuloy ang P.C.G., mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya sa clean-up operations upang hindi na kumalat pa ang tumagas na industrial fuel.
PHOTO COURTESY: PCG