Ikinakasa na ng Department of Energy (DOE) ang isang oil contingency plan upang matiyak na sapat ang supply ng mga produktong petrolyo sa gitna ng supply disruptions sa international market.
Ayon kay DOE–Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, bumubuo na sila ng isang task force para sa contingency plan.
Nakikipag-ugnayan din anya ang DOE sa Philippine National Oil Company at iba pang government agencies upang mabatid ang lebel ng demand o requirements ng iba’t ibang sektor, tulad ng transport sector at iba pang industriya.
Kabilang sa tinukoy ni Romero na dahilan ng oil price increase ay ang tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine, pagsabog sa Nigeria, pipeline leak sa Libya at oil spills sa Ecuador at Kazakhstan.
Nito lamang Martes ay ipinatupad ng mga kumpanya ng langis ang kanilang ika-7 sunod na dagdag presyo kaya’t lumobo na sa 7 pesos 90 centavos ang nadagdag sa presyo ng kada litro ng gasolina;
10 pesos 20 centavos sa diesel at 9 pesos 20 centavos sa kerosene sa simula pa lamang ng taong 2022.