Binasahan na ng sakdal sa Sandiganbayan 4th Division si Optical Media Board (OMB) Chairman Ronnie Ricketts.
Nagpasok si Ricketts ng not guilty plea sa kasong graft na kinakaharap nito sa Anti Graft Court.
Ang kaso ay nag-ugat sa alegasyon na pinaboran ni Ricketts at mga kapwa akusado ang Sky High Marketing Corporation, may-ari ng tone-toneladang pinirating DVD at VCD na nakumpiska ng OMB noong May 27, 2010.
Ayon sa reklamo, agad ring ini-release ng OMB ang mga nakumpiska nilang DVD at VCD sa Sky High Marketing sa halip na magsampa ng kaso laban sa kumpanya.
Nabasahan na rin ng sakdal ang mga kapwa akusado ni Ricketts na sina OMB Enforcement and Inspection Division o EID Head Manuel Mangubat, EID Investigation Agent Joseph Arnaldo and EID Computer Operator Glenn Perez na nagpasok ng pawang mga not guilty plea.
By Len Aguirre | Jill Resontoc (Patrol 7)