Mas makabubuting ipaalam ng Office of the Ombudsman kung anu-ano ang gustong nilang amyendahan hinggil sa pagpapalakas ng anti-graft law.
Ito ang panawagan ni Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon matapos na ihayag ng liderato ng Ombudsman ang pagnanais nito na itigil ang pagsasagawa ng lifestyle checks sa mga opisyal ng pamahalaan na nahaharap sa reklamong pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Tingin kasi ni Ombudsman Samuel Martires, illogical procedure ang pagsasagawa ng lifestyle checks sa mga pinaghihinalaang korap na opisyal.
Bukod pa rito, nais din ni Martires, na amyendahan ng kongreso ang R.A. 6713 o establishing a code of conduct and ethical standards for public officials act, ito’y dahil malabo raw at ‘di katanggap-tanggap ang ilang probisyon nito.
Sa tingin naman ni Drilon, maaaring magkakapareho ang tingin ng mga mahistrado sa isyu lalo’t nagsilbi ring dating mahistrado si Martires.
Pero paliwanag ni Drilon, tungkulin ng lehislatura na tignan at pag-aralan kung may ilang mga probisyon sa batas na hindi katanggap-tanggap gaya nga ng ipinabatid ng hudikatura. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno