Magsasagawa ng fact finding ang Office of the Ombudsman sa mga nagaganap na extra judicial killings (EJK) sa bansa.
Ayon kay Ombudsman Conchita Carpio Morales, iniipon nila ang lahat ng reklamong natatanggap nila na may koneksyon sa extra judicial killings at posibleng isama na rin ang isyu sa illegal drugs na kinasasangkutan ng mga opisyal ng gobyerno tulad ni Senador Leila De Lima.
Sa isang panayam ng Nhk World ng Japan kay Morales, binigyang diin nito na hindi katanggap-tanggap ang tila pagtutulak ng Pangulong Rodrigo Duterte sa mga tao na pumatay ng mga drug addicts.
Bagamat tinatangka anya ng Malakanyang na bigyang katwiran ang palaging pagtutulak ng Pangulo sa mga tao at maging sa mga pulis na pumatay ng adik, mahirap pa rin itong maging katanggap tanggap sa lipunan.
- Len Aguirre