Hinihimok ng isang mambabatas si Ombudsman Conchita Carpio Morales na tumakbo bilang senador sa susunod na taon kasabay ng nakatakdang pagreretiro nito ngayong darating na Hulyo.
Ayon kay Akbayan Party-list Representative Tom Villarin, nararapat lamang na ipagpatuloy ni Morales ang kanyang legasiya sa pagsupo sa katiwalian bilang isang halal na senador.
Iginiit pa ni Villarin, lubhang kailangan ng bansa ang isang tulad ni Morales na walang takot at patas sa pagpapahayag ng kaniyang saloobin sa isang usapin lalut kulang aniya ang bansa ng isang senatoriables na tapat, masipag at malaya.
Dagdag pa ni Villarin, posible ring mawalan ng saysay ang mga nasimulan ni Morales sa mga kaso kaugnay ng pork barrel scam oras na magretiro ito lalu’t hindi aniya seryoso ang administrasyong Duterte na habulin ang mga akusado rito.
Si Morales ay itinalaga ni dating Pangulong Noynoy Aquino sa Ombudsman noong 2012 kapalit ni dating Ombudsman Merceditas Gutierrez na nagbitiw sa pwesto bago pa man litisin sa Senado bilang impeachment court.
—-