Ipinag-utos ngayon ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang pagsasampa ng kasong graft laban sa anim na opisyal ng Department of Budget and Management dahil sa pagbili ng substandard inflatable rubber boats sa Joavi Philippines Corporation noong 2010.
Kabilang sa mga pinakakasuhan sina DBM undersecretary Evelyn Guererro, Director IV Lourdes Santiago, procurement management officer V Julieta Lozano, procurement management officer III Mervin Ian Tanquintic, administrative assistant III Alvin John Perater at ad hoc member Lt. Malone Agudelo, kasama si Anthony Hernandez mula sa kumpanyang Joavi.
Lumalabas sa pagsusuri ng Ombudsman, batay na rin sa isinampang reklamo laban sa mga respondent na ang mga biniling rubber boats ay hindi pasok sa DBM-procurement service technical specifications makaraang matuklasan na wala itong inflation valves, over-pressure valves at roll-up floor; na ang disenyo ay sports model, sa halip na isang military model.
Bukod dito, napag-alaman din ng Ombudsman na peke ang isinumiteng technical evaluation report at post-qualification report.
By: MeAnn Tanbio