Muling iginiit ng kampo ni Senadora Leila de Lima na walang hurisdiksyon ang Regional Trial Court (RTC) para dinggin ang kaso ng Senadora.
Ito ang inihayag ni dating Solicitor General Florin Hilbay, isa sa mga abogado ni De Lima sa isinagawang oral arguments kahapon sa Korte Suprema.
Binigyang diin ni Hilbay, tanging ang Sandiganbayan lamang ang may karapatang duminig sa kaso ni De Lima na isang opisyal ng pamahalaan.
Sa ilalim aniya ng Republic Act 10660 na umaamiyenda sa Presidential Decree 1606, mayroong exclusive original jurisdiction ang Sandiganbayan sa mga kaso ng isang opisyal ng gobyerno na nasa Salary Grade 27 pataas na lumabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Revised Penal Code.
Dahil dito, sinabi ni Hilbay na malinaw ang ginawang paglapastangan ng DOJ o Department of Justice sa Ombudsman nang magsagawa ito ng prelimenary investigation sa kasong illegal drug trade laban sa Senadora.
By Jaymark Dagala / Bert Mozo (Patrol 3)