Hiniling ng mga Ombudsman prosecutors sa Sandiganbayan na igiit ang nauna nilang commitment order kay Janet Lim Napoles na ikulong ito sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Sa limang-pahinang mosyon na isinumite ng Ombudsman prosecutors sa Sandiganbayan 5th Division, sinabi nila na itinuturing nang expired ang pagkulong kay Napoles sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City matapos itong pawalang sala ng Court of Appeals sa kasong illegal detention.
Dahil dito, marapat lamang anila na muling mag-isyu ng commitment order ang Sandiganbayan o igiit ang nauna na nilang commitment order na ikulong si Napoles sa Camp Bagong Diwa.
Kaugnay naman ito sa mga plunder cases na kinakaharap ni Napoles kasama sina dating Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla kung saan hindi naman sila pinayagang makapagpiyansa.
Matatandaan na nawalan ng saysay noon ang commitment order ng Anti-Graft Court kay Napoles matapos itong sentensyahan ng Makati Regional Trial Court sa kasong illegal detention.
By Len Aguirre
Ombudsman prosecutors hiniling na ikulong sa Camp Bagong Diwa si Napoles was last modified: May 12th, 2017 by DWIZ 882