Inaalam na ng anti-crime and corruption advocate na si Ka Dante Jimenez ang saklaw ng kanyang bagong posisyon bilang bagong chairman ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).
Ito ay makaraang ihayag ni Jimenez na target ng kanyang pinamumunuang komisyon na imbestigahan ang lahat ng mga deputy ng Office of the Ombudsman.
Magugunitang ibinabala ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang paiimbestigahan ang Ombudsman dahil sa ‘di umano’y pangingikil ng mga opisyal nito kapalit ng mga pagbasura sa kaso ng ilang public officials.
Kasunod ito ng naging pahayag noon ni Overall Deputy Ombudsman Arthur Carandang na kanilang bubusisiin ang lahat ng mga bank records ng Pangulo sa harap na din ng naging alegasyon ni Senador Antonio Trillanes IV.
Nilagdaan ni Pangulong Duterte ang appointment ng anti-crime at corruption advocate noong Enero 12.
Bukod kay Jimenez, itinalaga din sa PACC ang natalong Senatorial candidate na si Greco Belgica, Gregorio Contacto III at Rickson Chiong bilang mga commissioner.