Nilinaw ng World Health Organization (WHO) na hindi dapat ituring na mild ang epekto ng mas nakahahawang Omicron COVID-19 variant.
Ayon kay WHO Director-General Tedros Ghebreyesus, posibleng mayroong less severe effects ang Omicron kumpara sa Delta variant.
Ang less severe effects ay maaari lamang anyang maranasan ng mga bakunadong indibidwal, partikular ang mga nakababata at nakatatanda pero posibleng tamaan ng severe o matinding epekto ang mga hindi bakunado.
Samantala, muling nanawagan si Ghebreyesus ng patas na distribusyon at access sa COVID-19 vaccines.
Ibinabala rin ng WHO Chief na batay sa kasalukuyang rate ng vaccine rollout, isandaan at siyam na bansa ang mabibigong makamit ang 70% target ng bakunadong populasyon sa Hulyo.