Nakikita ng mga eksperto na posibleng may Omicron subvariant BA.2.75 o centaurus na sa Pilipinas.
Ayon kay OCTA Research Dr. Guido David, ito ay matapos maunsyami ang posibleng peak ng COVID-19 cases sa Metro Manila at patuloy na pagtaas ng mga kaso.
Paliwanag niya, hindi kasi isang typical pattern ang kasalukuyang sitwasyon dahil kung pababa na ang bilang ng mga kaso ay dapat na tuloy-tuloy ito.
Sinabi pa ni David na posibleng umabot pa hanggang Agosto ang pagdami ng mga kaso o sa panahon ng pasukan kung saan ito ay taliwas sa dating pagtaya na peak na ng mga kaso sa kalagitnaan ng hulyo at patuloy na bababa pagsapit ng Agosto.
Napansin naman ni Dr. Rontgene solante ng Department of Health Technical Advisory Group ang kaparehong obserbasyon.
Bagama’t wala pang kumpirmasyon ukol dito base sa huling genome sequencing report, ikinokonsidera din ni Solante na posibleng may BA.2.75 subvariant na sa bansa.