(8AM Update)
Itinaas na ng Philippine Atmospheric geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang babala ng bagyo bilang tatlo (signal #3) sa mga lalawigan ng Isabela, Cagayan at Northern Aurora bunsod ng bagyong Ompong.
Ayon sa PAGASA, napanatili ng bagyo ang pinakamalakas na hanging aabot sa 205 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugsong aabot sa 255 kilometro bawat oras at patuloy na nagbabanta sa Hilagang Luzon.
Huling namataan ang mata ng bagyo sa layong 605 kilometro Silangan ng Baler, Aurora.
Patuloy na kumikilos ang bagyo sa direksyong pa-kanluran, hilagang kanluran sa bilis na 20 kilometro bawat oras.
Posibleng hagupitin ng malakas na hangin ang naturang lalawigan mula 121 hanggang 170 kilometro bawat oras sa susunod na 18 oras.
Nananatili naman ang babala ng bagyo bilang dalawa sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas bunsod ng lawak ng rain band nito na nasa siyam na kilometro.
Kabilang sa mga nasa ilalim ng Signal no. 2 ang Batanes, Babuyan Group of Islands, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, La Union, Benguet, Nueva Vizcaya, Quirino, Pangasinan, Nueva Ecija, rest of Aurora, Tarlac at Northern Zambales.
Signal no. 1 naman sa Pampanga, Bataan, natitirang bahagi ng Zambales, Bulacan, Rizal, Metro Manila, Cavite, Batangas, Laguna, Quezon kabilang na ang Polillo Island, Northern Occidental Mindoro kabilang ang Lubang Island, Northern Oriental Mindoro, Masbate, Marinduque, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Sorsogon, Burias, Ticao Island at Northern Samar.
Inaasahang tatama sa lupa ang bagyo sa Cagayan-Isabela area bukas, Sabado ng umaga.
Kasabay nito, pinag-iingat ng PAGASA ang mga residente sa mababa at bulubunduking mga lugar laban sa posibleng flashfloods at landslides.
Linggo pa ng umaga inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo.—AR
—-