Hugas kamay si dating Health Secretary Enrique Ona sa inilargang dengue vaccination program sa ilalim ng Aquino administration.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Ona na Disyembre ng taong 2014 nang magbitiw siya sa puwesto habang 2016 naman nang simulan ang pagbabakuna ng dengvaxia sa libu-libong mga kabataan.
Dahil dito, iginiit ni Ona na ang sumunod sa kanyang namuno sa DOH na si dating Health Secretary Janette Garin ang dapat managot sa problemang pangkalusugan na idinulot ng dengvaxia.
“In the light of this Sanofi Pasteur advisory on the use of the anti-dengue vaccine, dengvaxia, the leadership that took over the DOH after I left in December 20, 2014 are solely responsible for all the decisions that has resulted in what is becoming to be a major health nightmare in the country today.” Ani Ona
Nanindigan si Ona na kung siya pa ang kalihim ng DOH ay hindi niya papayagang maipatupad nang ganoon kalawak ang pagbabakuna kontra dengue.
“Yun ang sinabi ko kanina, the yellow flag was very clear already ibig kong sabihin dapat pag-isipan mo ng husto kung i-implement mo yun, If I was the Secretary of Health I would not implement or go it in that extent (na ang target is 1 million na bata at pera is 3.2 billion pesos).” Dagdag ni Ona
Iginiit ni Ona na hindi pa handa ang dengvaxia vaccine para sa programa ng pamahalaan lalo’t nasa ilalim pa ito ng masusing pag-aaral.
—-