Aarangkada na ang isang linggong programa ng Department of Education o DepEd na naglalayong panatilihing malusog at ligtas sa sakit ang mga mag-aaral sa buong bansa.
Sa ilalim ng OK o Oplan Kalusugan, bibigyan ng serbisyong medikal at dental ang mga estudyante para matiyak na nasa maayos na kondisyon ang kanilang pangangatawan habang nag – aaral.
Sa Biyernes, Hulyo 13, pangungunahan ni Education Undersecretary for Administration Alain del Pascua ang One Health Week Program sa Pembo Elementary School sa Makati City.
Nakasentro rin ang naturang mga programa sa limang pangunahing aktibidad tulad ng medical at dental check-up, feeding program, tamang edukasyon hinggil sa epekto ng bawal na gamot, adolescent at reproductive health gayundin ang “wash” o ang water, sanitation and hygiene.
Drug testing
Samantala, iginiit ng DepEd na dapat limitahan lamang ang pagsasagawa ng drug test sa mga estudyante na nasa secondary at tertiary levels.
Ito ang pinanindigan ni Education Secretary Leonor Briones sa pakikipagpulong sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA, Dangerous Drugs Board o DDB at Philippine National Police (PNP) upang talakayin ang panukalang mandatory drug testing sa mga estudyante mula grade four pataas.
Ayon kay Briones, nagkasundo naman ang mga ahensya kaugnay sa kanilang trabahong dapat gampanan.
Sinabi ni Briones na ang prayoridad ng DepEd ang magbigay ng kaalaman sa mga estudyante hinggil sa masamang epekto ng iligal na droga upang habang bata pa lamang ay kanila na itong iwasan.
Dagdag pa ng kalihim, magiging regular na rin ang pulong DepEd kasama ang mga nabanggit na ahensya upang epektibong masolusyunan at maiiwas ang mga kabataan sa iligal na droga.
(May Ulat ni Jaymark Dagala)