Dapat na ipagpatuloy ang pagpapatupad ng “one-strike” policy laban sa mga tiwaling tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na sangkot sa trafficking ng mga kababayan natin sa ibang bansa.
Ito ang panawagan ni Senador Joel Villanueva kay BI Commissioner Jaime Morente sa pagdinig ng senate committees on labor and women ukol sa trafficking ng mga kababayan natin sa Syria.
Tiniyak naman ni Morente na patuloy pa rin ang pagpapatupad ng BI sa naturang polisiya, na nagpaparusa sa mga tiwaling kawani sa unang offense.
Idinudulog na raw nila sa Department of Justice (DOJ) ang mga kaso na may parusang suspension o pagtanggal sa serbisyo ng mga tauhan nito na sangkot sa iregularidad, tulad ng human trafficking.
Hiniling din ni Villanueva sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) na ipagpatuloy nito ang regular na pag-update ng kanilang anti-trafficking in persons database na nakasaad sa batas dahil makakatulong ito sa mga awtoridad na habulin ang mga illegal recruiters.
Giit ng senador, kung nais natin wakasan ang human trafficking, dapat siguruhin na sapat ang kaalaman ng publiko tungkol dito.