Pina-iimbestigahan ng minority senators ang one-time big-time na anti-illegal drug operations ng Philippine National Police (PNP) sa Cebu kung saan halos 19 katao ang nasawi.
Ang resolusyon ay inihain nina Minority Leader Franklin Drilon, Senators Leila de Lima, Bam Aquino, Risa Hontiveros, Francis Pangilinan, at Antonio Trillanes.
Ayon sa mga senador, nakakabahala ang mga alegasyon na mismong mga pulis ang nasa likod ng mga pagpatay.
Hindi na rin anila katanggap-tanggap ang malimit na rason ng mga pulis na nanlaban ang mga suspects kaya’t napatay.
Binanggit rin sa resolusyon ang pahayag ni Cebu City Mayor Tomas Osmeña na nagsimulang tumaas ang bilang ng patay sa mga anti-illegal drug operations magmula nang maupo bilang hepe ng Cebu City PNP si Direktor Royina Garma at Director Debold Sinas ng Police Regional Office Seven.
Tatlong bahagi ang inilunsad na operasyon ng PNP Regional Office kung saan 19 ang kabuuan ng nasawing drug suspects, 10 rito ay nasawi sa ikatlong bahagi ng operasyon.
—-