Iminungkahi ni Senador Francis Tolentino ang pagsasagawa via online ng bar exmination bilang pag-iingat at pagtiyak sa kaligtasan ng mga kukuha ng pagsusulit kontra COVID-19.
Ipinabatid ito ni Tolentino sa pagdalo ni Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta sa budget hearing ng senado para sa pondo ng hudikatura sa susunod na taon.
Ayon kay Tolentino, ikinukunsidera na ang online bar examinations sa iba’t-ibang lugar sa Estados Unidos gaya ng Michigan, District of Columbia, Louisiana at New York.
Sinabi naman ni CJ Peralta na kanila na itong pinag-aaralan para sa susunod na pagsusulit ng mga nais maging abogado sa Nobyembre ng 2021.
Maliban dito, lalagyan din aniya ng tig isang examination sites sa Visayas at Mindanao bukod sa nakasanayang lugar sa Maynila.
Samantala sa isang pahayag, kinumpirma ni Associate Justice at 2020-2021 bar examinations Chairperson Marvic Leonen ang mga binanggit ni CJ Peralta sa senate budget hearing.
Ayon kay Leonen, hindi na gaganapin ang bar examinations na katulad ng mga nakasanayan noon para sa tinatawag na new normal na mas ligtas, epektibo at makatuwiran.