Tiniyak ng Malakanyang na hindi maaapektuhan ang nagpapatuloy na online classes at mga ipinatutupad na distance learning programs ng pamahalaan ngayong muling isinailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang buong Metro Manila at ang mga karatig nitong lalawigan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, tuloy ang online classes dahil hindi naman aniya face-to-face ang klase ng mga estudyente.
Ginawa ni Roque, ang pahayag matapos sabihin ng Commission on Higher Education (CHED) na 24 na higher education institutions sa bansa ang magpapatupad ng limited face-to-face classes simula sa second semester ng 2020 to 2021 school year.
Una nang inanunsyo ng Malakanyang na epektibo ang new ECQ implementation sa buong national capital region at mga lalawigan ng Bulacan, Rizal, Laguna, at Cavite na magsisimula bukas, araw ng Lunes, March 29 at magtatagal hanggang sa susunod na araw ng linggo, Abril a-kwatro.