Hindi kinatigan ng Comelec ang hirit na online filing ng Certificates of Candidacy o COC sa kabila ng COVID-19 pandemic.
Ayon sa Comelec, ang COC ay dapat ihain ng kandidato o nang kanyang kinatawan na may sinumpaan at pirmadong “authority to file the COC”
Alinsunod ito sa 40 pahinang resolusyon na inaprubahan ng poll body noong Agosto 18.
Magsisimula ang filing sa Oktubre 1 hanggang 8 kasama ang weekends mula alas-8 ng umaga hanggang ala-5 ng hapon.
Tatatakan ng “received” sa mismong araw ng paghahain ang mga COC na isinumite batay sa alituntunin ng Comelec at kapag hindi kumpleto ang dokumento ay hindi tatanggapin kahit mismong kandidato ang magsusumite.—sa panulat ni Drew Nacino