Inatasan ng Department of Transportation (DOTr) ang Land Transportation Office (LTO) na makipag-ugnayan sa mga law enforcement agencies tulad ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP).
Ito’y kasunod ng kumakalat na online scam na nag-aalok ng mabilis na pagpoproseso ng driver’s license sa ilegal na paraan.
Ayon kay Transportation Sec. Arthur Tugade, nakarating sa kanila ang modus ng isang scammer na nambibiktima ng mga nais kumuha ng lisensya.
Sinasabing hindi na kinakailangang sumailalim pa sa exam, magsumite ng requirements o kahit pumunta personal sa tanggapan ng LTO, basta’t magbayad lang ng hinihinging halaga para maiproseso iyon.
Giit ng kalihim, masidhi nilang ipinatutupad ang tamang proseso sa pagkuha ng lisensya bilang bahagi na rin ng pagbabagong nais ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa bansa.
Kaya naman giit ni Tugade, dapat mahanap na ang mga nasa likod ng nasabing modus upang pagbayarin at papanagutin sa kanilang ginagawang panloloko.